Isang araw ang ina ko’y nakita kong namamanglaw

Naglilinis ng marumi’t mga lumang kasangkapan.

Sa pilak ng kanyang buhok na hibla ng katandaan

Nabakas ko ang maraming taon niyang kahirapan;

Nakita ko ang ina ko’y tila baga nalulumbay

At ang sabi “itong pyano sa iyo ko ibibigay,

Ang kubyertos nating pilak ay kay Itang maiiwan,

Mga silya’t aparador ay kay Tikong nababagay

Sa ganyan ko hinahati itong ating munting yaman.”

 

Pinilit kong pasayahin ang lungkot ng aking mukha

Tinangka kong magpatawa upang siya ay matuwa,

Subalit sa aking mata’y may namuong mga luha

Naisip ko ang ina ko, ang ina ko na kawawa;

Tila kami iiwan na’t may yari nang huling nasa

At sa halip ng magalak sa pamanang mapapala,

Sa puso ko ay dumalaw ang malungkot na gunita

Napaiyak akong tila isang kaawa-awang bata

Niyakap ko ang ina ko at sa kanya ay winika.

 

“Ang ibig ko sana, Ina’y ikaw aking pasayahin

At huwag nang makita pang ika’y nalulungkot mandin,

O, Ina ko, ano po ba at naisipang hatiin

Ang lahat ng munting yamang maiiwan sa amin?

“Wala naman,” yaong sagot “baka ako ay tawagin ni Bathala

Mabuti nang malaman mo ang habilin!

Iyang pyano, itong silya’t aparador ay alaming

Pamana ko na sa inyo, bunsong ginigiliw.

 

“Ngunit Inang” ang sagot ko, “ang lahat ng kasangkapan

Ang lahat ng yaman dito ay hindi ko kailangan

Ang ibig ko’y ikaw ina, ang ibig ko’y ikaw inang

Hinihiling ko sa Diyos na ang pamana ko’y ikaw

Aanhin ko iyong pyano kapag ikaw ay namatay

At hindi ko matutugtog sa tabi ng iyong hukay?

Ililimos ko sa iba ang lahat ng ating yaman

Pagkat di ka maaaring pantayan ng daigdigan

Pagkat, ikaw O Ina ko, ika’y wala pang kapantay.”

Cherissa Omega
Cherissa Abay - Omega : Ang awtor ng post. Siya'y nakapagtapos ng pag-aaral sa University of San Jose-Recoletos sa kursong Bachelor of Secondary Education - Filipino, at nakakuha na ng 39 na masteral units ng Filipino sa Cebu Normal University. Siya ay may walong taong (8) karanasan sa pagtuturo ng asignaturang Filipino sa pribadong paaralan gaya ng The Sisters of Mary School-Girlstown, Asian College of Technology, University of San Carlos, Sacred Heart School - Ateneo de Cebu; at tatlong taong pagtuturo sa pampublikong paaralan tulad ng Mandaue City Comprehensive National High School, Cabancalan National High School at sa kasalukuyang Canduman National High School sa siyudad ng Mandaue, Lungsod ng Cebu. Siya’y nakadalo na ng maraming seminar ukol sa asignaturang Filipino at naniniwala na ang teknolohiya ay may napakalaking tulong sa paglinang ng kaalaman at karanasan sa ating pambansang wika.


Website - Asignaturang Filipino - Wika at Panitikan